Filipinos are Worth Dying For…
Benigno “Ninoy” Aquino, ayon sa aking nabasa at napanuod, siya ay maibibilang na isang bayani sapagkat siya ay lumaban para sa katotohanan nang sa gayo’y makamtan ng bansang Pilipinas ang inaasam na kalayaan mula sa mapansamantalang pamumuno ng dating pangulong Marcos. Siya ay nagsalita ng buong tapang at may paninindigan. Hindi siya natakot na ipahayag ang kanyang nararamdaman sa publiko. Buong tapang niyang isiniwalat ang mga kamaliang umiiral sa pamamalakad ni Marcos. Hindi maitatatwang siya ay isang magiting na Pilipino. Pinanindigan niya ang kanyang mga sinimulan maging sa kaniyang huling hininga. Kaya’t nararapat lamang na kilalanin at ipagmalaki siya ng lahing Pilipino.
Ipinaglaban ni Ninoy, hindi lamang ang kanyang sarili, bagkus ay maging ang lahat ng mga Pilipino. Ipinaglaban niya ang karapatan ng bawat mamamayan. Isinantabi niya ang kaniyang sariling kasiyahan para lamang ipagpatuloy ang kanyang pakikipaglaban.
Minsan niyang sinabi na “Filipinos are worth dying for”, isang patunay lamang na walang pagsisisi sa kanyang mga ginawa. Ngunit mukhang walang pakialam ang Pilipinong pinagbuhisan niya ng kanyang buhay. Maaaring maraming mga Pilipino ang nalungkot sa kamatayan ni Ninoy ngunit hanggang doon lamang ba iyon? Oo, hindi ko ipagkakaila na ang kanyang kamatayang ang nagudyok ng Edsa People Power na simbolo ng pakikipaglaban ng mga Pilipino, ngunit kung tunay nating isinasapuso ang ating pakikibaka, bakit hindi na natin ito isinasagawa sa ating kasalukuyang panahon? Hindi ko naman hinihingi na tayong mga Pilipino ngayon any muling magsagawa ng People Power para pababain natin sa kanyang pwesto ang ating pangulo. Ang nais ko lamang sana ay makita ng bawat isa sa atin ang mga dahilan at layunin sa kabila ng mga kaganapang iyon. Hindi ba’t nangyari lamang ang lahat ng bagay na iyon dahil sa kagustuhan nating maitama ang pang-aabuso at pananamantalang umiiral sa pamumuno ni Marcos? At ang mga pang-aabuso at pananamantalang ito ay nakikita parin natin sa ating kasalukuyang pamunuan. Hindi ba’t hangga ngayo’y talamak parin ang graft and corruption? Bakit kaya, sa gayong matagal at marahan natin itong nilabanan noon?
Sadyang hindi ko maintindihan ang mga Pilipino. Noon ay nilabanan natin ang mga pananamantala ng gobyerno ngunit bakit hangga ngayon ay ganito parin ang pinaiiral ng mga pulitiko? Hindi ba’t sila mang mga nakaluklok ngayon ay mulat sa kaganapan noong panahon ni Marcos? Hindi ba’t sila rin ay iilan sa napakaraming mga Pilipinong tumutol sa Martial Law? Hindi ba’t sila man ay nagnais na tanggalin sa pwesto ang noong pangulo dahil sa klase ng kanyang pamamalakad? Ngunit bakit ngayon ay naaatim nilang gawin ang mga parehong gawain? Maaaring hindi pareho ang kanilang mga pamamaraan ngunit mayroon naming parehong epekto sa lipunan, pagsasamantala. Ang lahat ng bagay ay umiikot na lamang sa kanilang mga kamay. Hindi na nabibigyan pa ng pagkakataon ang mga maliliit na Pilipino na ipaglaban ang kani-kanilang mga karapatan.
Hanggang kelan ba tayo patuloy na iikot na lamang sa ganitong sistema? Kailangan pa ba natin ng isa pang tulad ni Ninoy bago natin muling makita ang mga katotohanan at pantay-pantay na karapatang dapat nating ipinaiiral sa ating lipunan?
Sinabi minsan ni Dating Pangulong Corazon Aquino, ang may bahay ng yumaong Ninoy Aquino, sa kanyang pakikipanayam “I hope our fellow Filipinos specially the young will continue to appreciate how much Ninoy suffered for our country. I hope they will ask themselves what they offer, too, to help this country move forward. Ninoy showed the way, I hope they will be inspired by him.” Tama nga naman, hindi ba? Sino pa ba ang magdudulot ng pagbabago kundi ang mga kabataan. At maisasakatuparan lamang nating mga kabataan ang ating misyon kung makikita natin ang kahalagahan nito at kung magkakaroon din tayo ng inspirasyon dili kaya ay gabay. Itinuro na sa atin ni Gng. Benigno “Ninoy” Aquino ang daan, ang kailangan na lamang nating gawin ay tahakin natin ang daan na ito dala-dala ang ating misyon ng sa gayo’y kahit ilan mang tukso o pagsubok man ang ating daanan ay hindi parin tayo magbabago ng patutunguhan.
Karagdagan:
Taon-taon ay ipinagdiriwang natin ang kamatayan ni Ninoy, ngunit nagugunita din ba natin ang mga sakripisyo at pakikibakang kanyang ginawa? Hindi ako naniniwala sa mga anunsyong ipinapakita sa telebisyon, na kunwa’y binibigyang pugay nila ang yumaong senador, sapagkat ang mga anunsyong ito ay ipinalalabas lamang sa panahong sasapit ang araw ng kanyang kamatayan. Kung sadyang pinagpupugay natin ang mga isinagawa n gating mga bayani, sana ay kinakikitaan natin ang media ng mga programang patuloy na isinasalaysay ang mga buhay at mga kagitinging naisagawa n gating mga yumaong bayani.
Ngayon, sa ating kasalukuyang panahon, kung muling mabubuhay si Ninoy Aquino, sigurado akong hindi na niya muli pang mabibigkas ang mga katagang “Filipinos are worth dying for”, maliban na lamang kung tayo’y makapagdudulot pa ng pagbabago sa ating lipunan lalong-lalo na sa ating pamahalaan.
No comments:
Post a Comment